Nag-ugat umano kay Health Secretary Francisco Duque, III ang pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sinasabing overpriced pandemic supplies.
Ito ang nakasaad sa draft ng partial report ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y katiwalian sa pagbili ng mga PPE, face mask, face shield at COVID-19 test kits kung saan kasama sa inirekomendang kasuhan si Duque.
Tinukoy sa draft ang pag-iisyu ng kalihim ng Agency Procurement Requests (APR) noong maglipat ang DOH ng 42 billion peso pandemic funds patungo sa PS-DBM para magpabili ng supplies.
Sa nasabing APR, mayroon umanong ovepricing dahil nakasaad na 2,000 pesos ang bawat PPE set, bagay na sinundan ng PS-DBM na bumili ng mga PPE sa presyong bahagya lang na mas mababa rito.
Noong inisyu ni Duque ang APR, nasa 900 hanggang 1,000 pesos lang umano ang suggested retail price ng ppe.
Tinukoy din na habang bumibili ang PS-DBM ng umanoy overpriced face masks sa presyong 27 pesos 72 centavos bawat piraso, bumibili rin ang DOH ng face masks sa presyong 16 pesos 64 centavos.
Nakasaad din sa partial report na hindi makukumpleto ang tinaguriang pre-meditated plunder sa pera ng bayan sa gitna ng pandemya kung walang partisipasyon ni Duque. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)