Hindi umano patas at maraming butas ang inilabas na Committee report ng Senate Blue Ribbon sa Sugar importation fiasco.
Ito ang inihayag nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Deputy Minority Leader Risa Hontiveros makaraang ilabas ang kanilang sariling report.
Nakasaad sa kanilang report na walang sapat na factual at legal basis upang kasuhan ng kriminal at administratibo ang mga lumagda sa kontrobersyal na Sugar order number 4.
Ito ay sina Suspended Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, dating Sugar Regulatory Administration Administrator Hermenegildo Serafica at SRA board members, Atty. Roland Beltran at Gerardo Valderrama.
Ayon kay Pimentel, maging ang direktiba sa Bureau of Immigration na ilagay sa “Look out Bulletin sina Sebastian ay wala ring factual at ligal na batayan.
Tinukoy sa kanilang Committee report na ‘In good faith’ ang paglagda nina Sebastian sa S.O 4 bunsod na rin ng memorandum na nagbibigay kapangyarihan kay Sebastian na lumagda sa ngalan ng Pangulo.
Para anya makasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Anti-Agricultural Smuggling Act, kailangang napatunayan sa imbestigasyon na ‘In bad faith’ ang ginawa ng mga opisyal.
Samantala, kinuwestyun naman ni Hontiveros ang pananahimik ng Kumite sa accountability ni Executive secreary Vic Rodriguez.
Nakalulungkot anya na bigo o sadyang iniwasan ng Blue Ribbon na talakayin ang naging papel ni Rodriguez sa kontrobersya gayong malinaw naman na agad na-i-communicate sa Palace official ang pag-iisyu ng Sugar order 4. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)