Ilalabas na ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang report sa isinagawang imbestigasyon hinggil sa tumataas na bilang ng drug-related o extrajudicial killings, ngayong linggo.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng kumite, natapos na nila ang first draft ng committee report at posibleng isunod ang second draft ngayong araw at maaari nang isapubliko ito bago ang break.
Bagaman hindi idinetalye ni Gordon ang nilalaman ng committee report, inirerekomenda ng kumite na na kasuhan ang witness at self-confessed Davao Death Squad hitman na si Edgar Matobato.
Maaari anyang kasuhan ng perjury at murder si Matobato dahil sa pag-amin nito pero hindi pa rin siya kumbinsido sa mga testimonya ng nasabing witness dahil balot ang mga ito ng kasinungalingan.
Kabilang naman sa mga panukala ng senado na nakasaad sa committee report na gawing mas madali o bigyan ng palugit na hanggang tatlong araw ang pagsasampa ng kaso laban sa mga “scalawag” na pulis at dapat ding pabilisin ang imbestigasyon ng internal affairs service ng Philippine National Police subalit administrative case lamang ang maaaring i-file.
By Drew Nacino