Kasalukuyan nang ginagawa ng Senate Blue Ribbon Committee ang report kaugnay sa imbestigasyon nito sa mga pulis na sangkot sa drug recycling o mga ‘ninja cops’.
Sinabi ni Sen. Richard Gordon, inaasahang maisusumite nila ang committee report na ito sa susunod na linggo.
Ayon sa senador, pansamantala muna nilang sususpendehin ang isinasagawang Senate inquiry hinggil sa ‘ninja cops’ issue dahil kailangan muna aniya nilang kausapin at kunan ng pahayag ang ilang personalidad tulad ng Korean na si Johnson Lee na umano’y drug trafficker na inaresto sa isang kwestyunableng drug raid sa lalawigan ng Pampanga noong taong 2013.
Sisilipin din aniya nila ang ang mga sinasabing kinumpiskang sports utility vehicle na napunta umano sa mga otoridad na nagsagawa ng naturang operasyon sa Pampanga.