Napilitang ihinto ng committee on public services ng Senado ang pagdinig nito hinggil sa internet connectivity sa bansa, matapos na makaranas mismo ang mga ito ng mabagal na koneksyon ng internet.
Sa naturang pagdinig, kabilang sana ang ilang kinatawan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), mga telcos, at iba pang mga stakeholders.
Dahil dito, ikinadismaya ni Senadora Grace Poe, chair ng naturang kumite, ang maganda sanang diskusyon kasama ang ilang mga resource person hinggil sa koneksyon ng internet sa bansa.
Bukod pa rito, nakalinya sanang pag-usapan sa pagdinig ang kakayahan ng internet connectivity ng bansa sa kakaharaping ‘new normal’ set-up, kung saan kakailangan ang maaasahan at mabilis na internet connection dahil magsasabay-sabay ang paggamit dito ng mga estudyanteng mag-aaral gamit ang internet, maging ng mga empleyadong nagtatrabaho sa kani-kanilang mga bahay o kung tawagin ay “work-from-home”.
Samantala, dahil sa naturang pangyayari sa pagdinig ng committee on public services, isasama ni Poe sa kanilang committee report ang putol-putol na koneksyon ng internet, para mapabilang aniya ito sa rekomendasyon sa pag-angat ng estado ng ating internet connectivity sa bansa.