Nakatakdang ipagpatuloy ngayong araw ang ika-anim na pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersiya sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law at iba pa umanong ‘moneymaking schemes’ sa loob ng Bilibid.
Inaasahang dadalo sa pagdinig si dating Criminal Investigation and Detection Group chief at kasalukuyang mayor ng Baguio City na si Benjamin Magalong na nanguna sa isang grupo para suyurin ang New Bilibid Prison ilang taon na ang nakararaan.
Inaasahan din ni Senate President Vicente Sotto III ang dalawang convicts na napalaya sa ilalim ng GCTA na nakatakdang sumuko sa kanya.
Blangko naman aniya siya kung bakit sa kanya pa nais na sumuko ng dalawang naturang convicts.
Kung matutuloy aniya ang mga ito ay maaari silang magsilbing resource person sa pagdinig.
Samantala, magugunitang noong nakaraang hearing ay ibinunyag ni dating BuCor officer-in-charge Rafael Ragos ang ilang moneymaking schemes sa Bilibid gaya na lamang ng prostitusyon, kidnap for ransom, at sugal sa loob mismo ng bilangguan.