Sinimulan na ni Senador Grace Poe ang imbestigasyon sa naganap na technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport na naka-apekto sa mahigit animnapu’t limang libong international at domestic passengers nitong bagong taon.
Sa kanyang opening statement, inihayag ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, na layunin ng imbestigasyon na lumikha ng paraan sa pamamagitan ng batas upang maiwasan ang ganitong insidente na lumumpo sa himpapawid ng Pilipinas.
Kabilang din sa layunin ng imbestigasyon ay isabatas ang panukalang paglikha ng transportation safety board upang mangalaga at mangasiwa sa lahat ng uri ng transportasyon sa bansa at lumikha ng patakaran sa pagpapaunlad ng sistema.
Hindi anya dapat balewalain ang epekto ng insidente sa bansa at domino effect nito.
Idinagdag ng senador na nais marinig ng Senado kung ano ang contingency plans ng Department of Transportation at pangunahing air carrier kabilang ang implementasyon ng air passenger bill of rights na inaatasan ang pamahalaan na ibalik ang gastusin ng pasahero sa nakanselang biyahe. —Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)