Muling gugulong ang pagdinig ng Senado sa kontrobersiyal na dengvaxia vaccine ngayong araw.
Muling pangungunahan ng Senate Blue Ribbon at Senate Committee on Health ang ika-apat na pagdinig sa naturang isyu.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, kinakailangan na malinawan ang naging procurement process ng naturang bakuna at tukuyin ang pananagutan dito ng ilang opisyal ng mga ahensya ng gobyerno.
Una nang hiniling ng komite ang pagtutulungan ng Department of Health o DOH at Department of Interior and Local Government o DILG para sa listahan at klasipikasyon ng batang nabakunahan ng dengvaxia.
‘Full refund’
Samantala, nanindigan ang gobyerno na hindi lamang full refund ang hihingin ng gobyerno sa kumpanyang Sanofi kung mapatutunayan na may mga itinago itong impormasyon ukol sa dengvaxia vaccine.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi lamang kabuuang halaga ng ibiniling bakuna ang dapat na bayaran ng kumpanya kundi maging damages para sa mga naging biktima nito.
Kinakailangan aniyang hintayin ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI, DOJ at Senado bago kumilos ang pamahalaan.
Una nang binayaran ng Sanofi ang 1.2 bilyong pisong halaga ng mga hindi nagamit na dengvaxia noong nakaraang linggo.
—-