Umarangkada na ang pagdinig ng Senado kaugnay sa naganap na marahas na dispersal sa protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato na ikinasawi ng 3 katao at ikinasugat ng maraming iba pa.
Ang pagdinig ay isinagawa sa University of Southeastern Philippines sa Davao City.
Pinangunahan ni Senador Koko Pimentel ang nasabing pagdinig bilang Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
Kabilang sa dumalo sa Kidapawan hearing si North Cotabato Govenor Emmylou Mendoza, habang no show naman si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista.
Samantala, nasermunan naman ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Koko Pimentel si Police Sr. Supt. Rex dela Rosa, ang hepe ng Regional Investigation and Detection Management Division ng PNP Region 12.
Ito’y makaraang sabihin ni dela Rosa na nasa piskalya pa rin ang kaso laban sa 81 indibidwal na inaresto sa marahas na dispersal sa Kidapawan City.
Iginiit ni Pimentel na dapat mapasailalim sa tinatawag na judicial authority ang mga dinakip.
Bukod dito, sinabi ni Pimentel na bailable ang kasong direct assault na isinampa sa Kidapawan protesters at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito umuusad.
By Meann Tanbio