Nakatakda nang magharap ngayong araw sa Senate hearing ang Department of Transportation o DOTr at mga leader ng transport groups kaugnay sa kontrobersyal na jeepney modernization program.
Pangungunahan ang pagdning ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan naman ni Senador Grace Poe.
Bukod sa DOTr sa pangunguna ni Secretary Arthur Tugade at mga transport group tulad ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON, imbitado rin ang mga taxi operator, jeepney manufacturer maging ang mga gumagawa ng mga bagong sasakyang papalit sa jeep.
Kabilang sa mga tatalakayin ang standard issues at financing para sa pagbili ng mga bagong unit ng mga PUV operator.
***
‘Ambitious’
Ambisyoso ang turing ni Senador Grace Poe sa planong jeepney phaseout and modernization ng pamahalaan.
Ayon kay Poe Chairman ng Senate Committee on Public Services, mahihirapan ang mga operator o drayber na pasanin ang 1.6 million pesos na halaga ng ipapalit na pampasaherong jeep.
Hindi rin aniya ganun kadali na mapapalitan ang 234, 000 hanggang 274,000 na jeep na nais ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Giit ni Poe bukod sa hindi sapat ang dalawang bilyon na inilaan ng gobyerno na subsidiya hindi rin kakayanin nito na bigyan ng subsidiya ang lahat ng mga operator at drayber na patitigilin sa paggamit ng jeep.
Magugunitang nagtakda ang grupong PISTON ng dalawang araw na tigil-pasada dahil sa planong jeepney modernization ng pamahalaan ngunit hindi ito natuloy dahil sa itinakdang public hearing ni poe para pagusapan ang kanilang mga hinaing.
By Jennelyn Valencia
—-