Bahagi lamang ng “communications plan” upang patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Senate hearings na pinamumunuan ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Ito ang idiniin ni dating Sen. Antonio Trillanes tungkol sa isyu na nagdadawit kay Pangulong Marcos sa drug list umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Para naman kay dating Sen. Panfilo Lacson, “pira-pirasong papel” lamang ang iprinisenta ni ex-PDEA agent Jonathan Morales upang akusahan ang pangulo sa paggamit ng ilegal na droga.
Aniya, kahit sinong ahente ay maaaring lumikha ng naturang intelligence report, ngunit hindi man lang ito isinumite sa kanyang immediate supervisor para sa initial evaluation. Wala rin itong official report.
Nasira na rin ang kredibilidad ng ex-PDEA agent nang masiwalat ang kanyang criminal at administrative cases.
Pagbabahagi ni dating PDEA Director General Arturo Cacdac, umamin si Morales sa pagtatanim ng ebidensya sa isang operasyon laban sa Filipino-Chinese drug suspects.
Samantala, kinumpirma ni PDEA Legal and Prosecution Service Acting Director Atty. Francis del Valle na hindi lumalabas ang pangalan ni Pangulong Marcos sa national drug information system o interagency drug information database, kaya kailanman, hindi siya nakasama sa drug war list.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos, ikinumpara niya si Morales sa isang jukebox na kakantahin ang anumang kanta basta huhulugan ng pera.
Ayon sa pangulo, “professional liar” ang ex-PDEA agent kaya hindi na dapat ito bigyan pa ng importansya, lalo na at may kaso itong false testimony.
Ika nga ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kailangan ng matibay na ebidensya rito. Walang tsismis, walang politika. Katotohanan lamang.