Umarangkada na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa bribery scandal na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration at gaming tycoon Jack lam.
Kabilang sa mga dumalo sa imbestigasyon sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Undersecretary Erikson Balmes ng Department of Justice.
Dumalo rin sa pagdinig sina Immigration Associate Commissioners Al Argosino at Michael Robles na kapwa akusado ng pangingikil ng limampung (50) milyong piso mula kay Lam kapalit ng pagpapalaya sa mahigit isang libong (1,000) Chinese nationals na illegal na nagtatrabaho kay Lam.
Sa kanyang paunang salita, tiniyak ni Senador Richard Gordon, chairman ng komite na ilalabas nila ang katotohanan sa pagdinig.
Bahagi ng pahayag ni Senador Richard Gordon
Perjury case
Planong kasuhan ng perjury ng Senate Committee on Labor si Atty. Al Argosino, dating Associate Commissioner ng Bureau of Immigration na sangkot sa bribery scandal.
Inihayag ito sa Senate Blue Ribbon Committee ni Senador Joel Villanueva, Chairman ng Labor Committee sa pagsisimula ng imbestigasyon sa bribery scandal sa Bureau of Immigration.
Ayon kay Villanueva, nagsinungaling si Argosino sa kanyang komite nang itago nya ang mga pangunahing impormasyon tulad ng tangkang panunuhol sa kanila ni Jack Lam gayung importante ito sa kanilang imbestigasyon.
Ang imbestigasyon ng komite ni Villanueva ay hinggil sa presensya ng mga illegal na dayuhang manggagawa sa Fontana makaraang mahuli doon ang mahigit 1,300 Chinese nationals.
Bahagi ng pahayag ni Senador Joel Villanueva
By Len Aguirre | Report from: Cely Bueno (Patrol 19)