Aminado si Senate President Koko Pimentel na hindi prayoridad ng Senado ang death penalty bill sa kabila ng paglusot nito sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.
Ayon kay Pimentel, sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo pa nila tatalakayin ang panukalang pagbuhay sa parusang kamatayan.
Gayunman, tututukan anya nila ang naturang panukala at tiniyak na pag-aaralan ito ng kanyang mga kapwa senador kahit naka-break.
“Open ako sa death penalty, pero ang aking personal preference sana ay huwag palawakin ang halos lahat ng pagkakamali o krimen ay death penalty na agad ang katumbas.” Pahayag ni Pimentel
Nagpahiwatig din si Pimentel sa posibilidad na maaprubahan ang death penalty bill sa kanilang pagbabalik sesyon pero depende pa rin ito sa mga senador.
“Sa May session, may chance na ma-approve ang death penalty, may chance din na hindi, hati pa kasi sa ngayon.” Paliwanag ni Pimentel
By Drew Nacino