Kung hindi man nakikita ni Jewel Lobaton ang dalawa nitong anak kay Senate President Koko Pimentel, wala umano siyang dapat sisihin kundi ang kanyang sarili.
Ito ang reaksyon ni Pimentel sa pahayag ng dating misis na tangi niyang hiling ngayong annuled na ang kanilang kasal ay makita ang kanilang mga anak.
Ayon sa Senador, nagkaroon sila ng hearing sa Korte para sa kustodiya ng mga bata noong Pebrero a-onse taong 2016 kung saan sa kanya ibinigay ang temporary custody.
Sa hearing na ipinatawag ng Korte noon namang March 16, 2017 hinggil pa rin sa custody, dinala ni Pimentel ang mga bata pero hindi sumipot si Lobaton.
Sa pananaw ni Pimentel, malaking sagabal sa amicable arrangement para sa visitation rights ang pagtanggi ng dati niyang misis na ibigay o isiwalat sa korte ang kanyang tunay na address.
Tila imposible anyang payagan na maging active participant sa custody case kung hindi alam ng korte ang address ni Lobaton.
Samantala, itinanggi ng mambabatas na hindi na nakikita ng kanyang dating asawa ang mga bata dahil nabisita nito sa school ang isa sa kanilang anak noong Oktubre a-nwebe at naktia rin nito ang mga bata sa isang mall sa Makati City noong Disyembre 16.