Naghain ng isang resolusyon si Senador Koko Pimentel upang paimbestigahan ang biniling laptops ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) sa halagang P2.4 billion na tinagurian ng Commission on Audit na pawang mahal pero mabagal.
Isinapubliko ni Pimentel ang resolusyon kahapon na humihiling sa Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan “in aid of legislation” ang umano’y sinasabing overpriced at outdated na laptops na binili ng PS-DBM para sa Department of Education.
Ayon sa senador, layunin ng resolusyon na kilalanin ang mananagot at magkaroon ng pagbabago sa procurement law at proseso kung kailangan.
Nakatakda ring maghain ng hiwalay na resolusyon si Senador Risa Hontiveros sa naturang anomalya upang matalupan ang sinumang nasa likod nito.
Samantala, wala pang tugon si Senador Francis Tolentino, Chairman ng Kumite sa inihaing resolusyon ng dalawang kapwa mambabatas.
Sa 2021 audit report ng COA para sa DepEd, itinuring nilang “pricey” ang P58,300 na kada unit ng laptop, sa kabila nang naunang pagtaya ng ahensya na aabot lamang ito sa P35,000.