Inaprubahan na ng Senado ang resolusyong nananawagan sa Korte Suprema na magpasiya at bigyang linaw ang papel ng mataas na kapulungan ng kongreso sa pag-atras ng Pilipinas sa isang tratado tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa naging botohan sa plenaryo para sa Senate Resolution Number 337, 12 senador ang bumoto ng “yes”, walang “no” habang pito ang nag-abstain.
Kabilang sa mga pumabor ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Migz Zubiri, Minority Leader Franklin Drilon.
Gayundin sina Senador, Panfilo Lacson, Richard Gordon, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Joel Villanueva, Sonny Angara at Nancy Binay.
Nag-abstain naman ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Senators Cynthia Villar, Koko Pimentel, Imee Marcos, Christopher Bong Go, Ronald Dela Rosa, Bong Revilla at Francis Tolentino.
Habang hindi nakahabol sa botohan sina Senators Manny Pacquiao at Pia Cayetano. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)