Nakapagpahinga ng maayos si Senador Leila de Lima, kagabi.
Sinabi ni De Lima sa text sa DWIZ patrol, na nakatulog siya ng maayos at mabuti ang kanyang kalagayan ngayong umaga.
Nakasama ng senadora sa magdamag ang kanyang dalawang anak na sina Vincent at Israel, at ang iba pa niyang kapamilya, at ang ilang mga tagasuporta na kinabibilangan nina Lea Navarro at dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman.
Maaga naman nagtungo kanina sa Senado ang ilan pang tagasuporta ng senadora na pinangungunahan ng kanyang spiritual director na si Fr. Robert Reyes.
Sinabi ni Reyes na kanyang sasamahan si De Lima hanggang sa PNP Custodial Center.
“She will be arrested this morning, and I will accompany all the way to Crame, she’s okay, hindi siya nagugulat, she’s ready. Panalangin, at ang mga tao sana huwag basta-bastang naniniwala sa mga balita, kasi there will always be two sides kaya siguro pinipilit siyang umalis ngayon ng maaga, kahapon nagkasundo na alas-10:00 ng umaga na siyang kusang sasama sa arresting officer pero ginawa nilang alas-8:00.” Ani Reyes
Sinabi din ni Reyes na halatang politically-motivated ang agarang paglalabas ng warrant of arrest.
“Kung nag-iisip sila dapat hindi nila tinaon ngayon (EDSA anniversary) yung mga taong nag-dadalawang-isip kung dadalo sila o hindi bukas eh baka dumalo na tuloy. Parang pinakailang sa akin yung order from the judge, ganyan kaliit na paragraph tapos mali yung format, hindi yung usual format for issuing a warrant of arrest kaya madali at dinikta from the phone kasi the judge was flying from one place to another, syempre may pressure at yung judge na yun may reputasyon na nape-pressure. Ito ang malungkot sa nangyayari ngayon political persecution at travesty of justice na naman.” Pahayag ni Reyes
By Katrina Valle | Report from Cely Bueno (Patrol 19)