Nagpasalamat si dating Justice Secretary at Senator-Elect Leila de Lima sa lahat ng mga bumoto sa kanya sa katatapos na halalan.
Ito’y matapos iproklama ng Commission on Elections o COMELEC bilang ika-12 na miyembro ng Upper House.
Sa panayam ng DWIZ, nangako si de Lima na hindi niya bibiguin at paglilingkuran niya nang buong puso ang mamamayang Pilipino na nagtitiwala sa kanya.
“Buong puso ko po kayong pinasasalamatan, kahit baguhan po tayo, kulang ang ating resources pero I’m blessed enough na andyan kayo na sumuporta, at yung Leila De Lima na nakita niyo noon, kung paano sineseryoso ang mandato at trabaho ay pareho pa rin. I will not let you down.” Pahayag ni de Lima.
Anti-death penalty
Tututulan ni senator-elect Leila de Lima ang pagpapanumbalik sa death penalty law sakaling maisalang na ito sa senado.
Ayon kay de Lima, noon pa man ay hindi na siya kumbinsido na parusang kamatayan ang sagot sa malalang kriminalidad sa bansa kundi ang mas malakas na criminal justice system.
Tiniyak ni de Lima na prayoridad niya ang pagpapalakas sa sistema ng hustisya sa bansa sa pagpasok niya sa senado at bahagi nito ang mas maayos na budget para sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa hustisya.
Matatandaan na isa sa inihayag na prayoridad ni presumptive president Rodrigo Duterte ang pagbabalik sa parusang kamatayan.
Bahagi ng pahayag ni Senator-elect Leila de Lima
Kasabay nito, nilinaw ni de Lima na trabaho at prinsipyo lamang ang pagkontra niya kay Duterte.
Sinabi ni de Lima na nasa Commission on Human Rights (CHR) pa lamang siya ay marami na silang pagkakaiba ng prinsipyo ni Duterte lalo na sa isyu ng pag-handle sa mga pinaghihinalaang kriminal.
Tiniyak ni de Lima na hindi siya lilipat sa kampo ni Duterte at mananatiling miyembro ng Liberal Party na siyang magiging oposisyon sa administrasyon ni Duterte.
Bahagi ng pahayag ni Senator-elect Leila de Lima
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita