Handang-handa na umano si Senator-elect Robin Padilla na makipag-debate sa senado.
Pero, Filipino at hindi raw Ingles ang gagamitin niyang lingguwahe sa pakikipag-debate dahil mga Pilipino naman ang kanyang makaka-debate.
Ito ang inihayag ni Padilla, matapos bumisita sa senado na bahagi ng kanyang paghahanda bilang bagong mambabatas.
Sa kanyang pagtungo sa senado, binigyan ang aktor ng briefing ni Deputy Secretary for Legislation, Atty. Edwin Bellen hinggil sa proceedings sa mataas na kapulungan ng kongreso tulad ng pagsasagawa ng committee hearing at pagdalo sa plenary session.
Tiniyak ni Padilla na 100% na siyang handa para sa kanyang bagong tungkulin, lalo ang pagsusulong ng pederalismo.
Bukod sa Senate orientation, una ng sumalang si Binoy sa briefing hinggil sa ekonomiya, foreign policy at iba pang aspeto na may kinalaman sa kanyang pagiging senador.
Samantala, inihayag ni Padilla na wala pang kumakausap sa kanya hinggil sa komite na nais niyang hawakan, partikular ang senate Committee on Constitutional Amendments and Revisions of Codes. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)