Pormal nang nagdeklara si Senador Grace Poe ng kanyang kandidatura sa 2016 Presidential elections.
Ginawa ni Poe ang kanyang deklarasyon sa University of the Philippines Bahay ng Alumni sa Diliman, Quezon City kagabi na dinaluhan ng kanyang pamilya sa pangunguna ng ina nitong si Susan Roces.
Sa kanyang talumpati, inilatag ni Poe ang mga isusulong niyang programa para sa mamamayan lalo na sa sektor ng edukasyon.
Tiniyak din ng senador na itutuloy niya ang mga nasimulan ng yumaong amang si Fernando Poe Jr.
Kasabay nito, pinapurihan din ni Senador Grace Poe ang Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa mambabatas, malaki ang naging kontibusyon ng kasalukuyang Presidente ng bansa sa pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Poe na magkakaroon lamang ng transparency sa gobyerno kung maisasabatas ang matagal nang nakabinbing FOI o Freedom of Information Bill.
Sisikapin din aniya niya na mapababa ang income tax rate sa bansa.
Reaksyon ng netizens
Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen ang opisyal na deklarasyon ng pagsabak sa 2016 Presidential election ni Senador Grace Poe.
Pinuri ng ibang Twitter user ang talumpati ni Poe sa bahay ng alumni sa U.P. Diliman, Quezon City at umaasang tutuparin ng senador ang pangako nitong “Bagong Umaga” para sa bansa sakaling mahalal na Pangulo.
Binatikos naman ng ibang Facebook at Twitter user ang naging istratehiya ni Poe na itaon sa primetime sa telebisyon ang deklarasyon habang ang ilang netizen ay diskumpiyado sa kakayahan ng mambabatas at dapat ay tumakbo na lamang ito sa pagka-Bise Presidente.
Kasabay ng pagpuna sa paggamit ng Senador sa yumao nitong amang si Fernando Poe Junior, naniniwala rin ang mga social media user na hindi pa ito ang tamang panahon para tumakbong Pangulo ang dating MTRCB Chief dahil marami pa itong dapat matutunan.
By Meann Tanbio | Drew Nacino