(Updated)
Ikinagulat ni Senador JV Ejercito ang pahayag ng Office of the Ombudsman na may nakitang probable cause upang kasuhan siya maging ang ibang miyembro ng konseho noong alkalde pa lamang siya ng San Juan.
Ayon kay Ejercito, hindi na niya inasahan na uusad ang kaso dahil “anonymous” ang nagsampa nito bukod pa sa walang nakitang iregular ang Commission on Audit (COA) sa kanilang pagbili ng mahigit 20 baril para sa San Juan City police lalo’t talamak noon ang krimen sa naturang lungsod.
Sa katunayan ay wala anyang notice of disallowance ang COA at sinabihan lamang sila na hindi uubrang gamitin ang calamity fund bilang pambili ng mga baril kaya’t humirit sila ng supplemental budget sa konseho.
Naghihinala naman ang senador na posibleng kalaban nila sa local politics sa San Juan ang nasa likod ng pagbuhay sa kaso.
By Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)