Wala umanong interes na maging Senate President ang nagbabalik-senadong si Loren Legarda, kahit siya ang magiging pinaka-senior member ng mataas na kapulungan ng kongreso.
Ayon kay Senator-elect Legarda, inimbita siya sa mga meeting hinggil sa Senate Presidency pero wala pang pinal na pasya ang mga kapwa mambabatas kung sino ang susuportahan sa mga naghahangad na Senate President.
Sa sandaling opisyal nang maupo sa Hunyo a – 30, ito na ang magiging ika-apat na termino ni Legarda bilang senador.
Iginiit ng Outgoing Representative ng Lone District of Antique na ang mahalaga anya ay mag-usap at kung sino ang may magkakaparehong adbokasiya ay magsama-sama sa mayorya o Majority Bloc.
Para kay Legarda, marami namang mga senador na kwalipikadong maging Senate President sa 19th Congress.
Kabilang sa mga lumulutang na contender sa Senate Presidency ay sina Senators Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri, Win Gatchalian at Chiz Escudero. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)