Ipinag-utos ng Muntinlupa Regional Trial Court ang pagkulong kay Senador Leila de Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa loob ng Kampo Crame sa Quezon City.
Ayon kay Atty. Alex Padilla, legal counsel ni De Lima, ito ang nakasaad sa inilabas na commitment order ni Muntinlupa RTC Branch 204 Judge Juanita Guerrero.
Bago ito, isinailalim sa booking procedure si De Lima sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame at saka idinala sa Muntinlupa para ibalik ang kanyang arrest warrant.
Ang kahalintulad na procedure ay gagawin din kina Ronnie Dayan at Rafael Ragos.
Samantala, simple at ligtas ang magiging detention cell ni Senador Leila de Lima sa PNP Custodial Center.
Ayon sa ulat, walang aircon ang naturang piitan, pero mayroong electric fan at sariling comfort room.
Si De Lima ang katangi-tanging babaeng inmate sa PNP Custodial Center.
Sa kasalukuyan, mayroong 25 inmates na nakapiit sa Custodial Center na kinabibilangan nina dating Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla Jr.
By Meann Tanbio