Kusang loob na sumama sa PNP Criminal Investigation and Detection Group si Senadora Leila de Lima matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Muntinlupa Regional Trial Court hinggil sa drug charges laban dito.
Batay sa napagkasunduan, pasado alas-8:00 kaninang umaga nang bumaba ng kanyang opisina sa senado si De Lima kasama ang Senate Sergeant at Arms at sumuko sa pulisya.
Ayon kay De Lima, nananalig siyang malalagpasan niya ang mga kinakaharap na pagsubok.
Umaasa din ang senadora na lalabas ang katotohanan at makakamit niya ang hustisya.
“Inosento po ako, wala pong katotohanan at pawang kasinungalingan ang pinaparatang nila sa akin.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Leila de Lima
Iginiit din ni De Lima na tuloy ang kanyang laban hinggil sa panggigipit at paniniil umano ng rehimeng Duterte.
“Karangalan ko po na ako’y makulong dahil sa mga ipinaglalaban ko po, ipagdasal niyo lang po ako.” Pahayag ni De Lima
Samantala, pagkalabas ng Senado ay isinakay si De Lima sa coaster ng Philippine National Police (PNP) at idineretso sa Camp Crame. —Ralph Obina / AR / with report from Cely Bueno (Patrol 19)