Tuluyang nasibak bilang Chairman ng Committee on Justice and Human Rights si Senator Leila de Lima.
Ito’y matapos mag-mosyon si Senator Manny Pacquiao na bakantehin ang lahat ng posisyon sa nabanggit na komite na bumubusisi sa umano’y extrajudicial killings sa bansa.
Pinagbotohan ng mga miyembro ng Senado ang pagpapatalsik kay De Lima kung saan 16 na senador ang pumabor na masibak ito.
Apat naman ang kumontra habang dalawa ang nag-abstain at dalawa ang hindi sumali sa botohan.
Matapos ang nasabing hirit ni Pacquiao na bakantehin ang komite at ang pagkontra ni Senator Franklin Drilon ay sinuspinde muna ang sesyon.
Itinalaga naman si Senator Dick Gordon bilang bagong Chairman ng naturang komite.
Samantala, kabilang sa mga bagong miyembro ng komite sina De Lima, Pacquiao, Grace Poe, Francis Pangilinan, Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara at Alan Cayetano.
Narito ang listahan ng mga bumoto.
Ang mga pumabor:
1. Aquilino Pimentel
2. Alan Cayetano
3. Sonny Angara
4. Nancy Binay
5. Vicente Sotto
6. JV Ejercito
7. Sherwin Gatchalian
8. Richard Gordon
9. Gringo Honasan
10. Panfilo Lacson
11. Loren Legarda
12. Manny Pacquiao
13. Grace Poe
14. Joel Villanueva
15. Cynthia Villar
16. Juan Miguel Zubiri
Ang mga kumontra:
1. Franklin Drilon
2. Risa Hontiveros
3. Bam Aquino
4. Francis Pangilinan
Nag-abstain:
1. Ralph Recto
2. Antonio Trillanes IV
Hindi sumali sa botohan:
1. Leila de Lima
2. Francis Escudero
Cayetano’s speech
Lantarang binatikos ni Senator Alan Peter Cayetano si Senadora Leila de Lima.
Ito’y dahil ginagamit umano ni De Lima ang Senate Committee on Justice and Human Rights upang siraan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang privilege speech, binigyang diin ni Cayetano na dahil sa mga pagdinig at pagpapalutang ng mga isyu laban sa pangulo ay nasisira sa international community ang Pilipinas.
Aniya, sinasakyan din ng foreign media ang usapin at napapasama ang imahe ng bansa sa ibayong dagat at maaaring makasira sa ekonomiya.
Walkout
Tila hindi nakatiis si Senador Leila de Lima sa mga patutsada ni Senador Alan Peter Cayetano kaya’t nag-walkout ito sa kalagitnaan ng privilege speech ng senador.
Nakasentro kasi ang speech ni Cayetano sa pagbatikos kay De Lima dahil sa aniya’y hindi patas na pagdinig ng hawak nitong komite.
Aminado naman ang senadora na nag-walk out nga siya habang nagtatalumpati si Cayetano.
Ayon kay De Lima, sasagutin niya lamang ang mga paratang ni Cayetano sa kanyang gagawing privilege speech ngayong araw.
By Jelbert Perdez