Wala pa sa isip ni Senator Bongbong Marcos, ang pagpaplano para sa 2016 elections.
Ayon kay Marcos, masyado pang maaga para ito ay isipin at madami pa din silang trabaho sa senado na mas dapat bigyang prayoridad.
“Ang pamumulitika ay hindi naman natin maiiwasan yan, darating at darating ang kampanya at eleksyon, sa ngayon aasikasuhin muna natin ang mga problema na hinaharap ng bansa, basta’t anuman ang aking palagay na tama, ay yun ang aking gagawin and let us see where time will take us.” Ani Marcos.
‘Magkapatid’ issue
Sinasakyan at kina-career nalang nila Senator Bongbong Marcos at Grace Poe, ang tsismis na sila ay magkapatid.
Binigyang diin ni Marcos na walang katotohanan ang isyu at ilang beses na din itong itinanggi ng senadora.
Sa ngayon aniya, ginagawa nalang nila itong katatawanan at kung minsan ay nagtatawagan nalang silang parang magkapatid.
“Kina-career na namin, ang tawagan namin sa senado ngayon ang tawag ko sa kanya si ‘Sis’ ang tawag naman niya sakin si ‘Kuya’, we embrace the story, imbes na mainis at magalit dahil hindi naman totoo eh, tinatawanan na lang namin, ito’y istorya lamang, tsismis lamang.” Paliwanag ni Marcos.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit