Umapela si Senador Bongbong Marcos sa publiko na mag-move on na at tutukan na lamang ang mga kasalukuyang problemang kinahaharap ng bayan.
Inihayag ito ng Senador bilang reaksyon sa paggunita sa ika-43 anibersaryo ng pagdideklara ng batas militar o Martial Law.
Giit ng nakababatang Marcos, natuldukan na ang mga usaping ibinabato laban sa kanilang pamilya ilang dekada na ang nakalilipas.
Sa halip aniyang halungkatin pa ang nakalipas, dapat aniyang sama-samang pag-isipan kung paano mareresolba ang mga kasalukuyang problema tulad ng trapiko, singil sa tubig at kuryente, foreign investment at kagutuman sa bansa.
Sa aspeto naman ng katiwalian, sinabi ni Marcos na maraming batas para rito kaya’t mas makabubuting masinsing sundin ito at huwag gamitin sa pamumulitika o panggigipit sa kalaban.
By Jaymark Dagala