Ikinalungkot ni Senadora Miriam Defensor Santiago na hindi na ito makadadalo sa ikalawang presidential debates na nakatakda sa Linggo, March 20, sa University of the Philippines-Cebu.
Ipinaliwanag ni Santiago na sasailalim ito sa clinical trial ng isang di pa napangangalang gamot kontra cancer.
Ayon kay Santiago, malungkot ito dahil hindi makalalahok sa nasabing debate ngunit pagtalikod umano sa bayan kung pakakawalan nito ang pagkakataong palakasin ang kalusugan para makapagsilbi pa sa mamamayang Pilipino.
Sinabi ni Santiago na lalahok ito sa international clinical trial upang magkaroon ng libreng gamot na tinatayang nagkakahalaga ng kalahating milyong piso kada tatlong linggo.
COMELEC
Mananatili pa rin ang podium para kay Senador Miriam Defensor Santiago sa ikalawang presidential debate sa Linggo , March 20 sa Cebu City.
Sa kabila ito ng pagkansela ng senadora sa pagdalo niya sa debate dahil sa kanyang sakit.
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng COMELEC, noong una ay nagkumpirma naman ng kanyang pagdalo sa debate si Senador Santiago.
Kasado na anya ang lahat para sa debate sa Cebu City bagamat mas maliit ang lugar kumpara sa naunang debate sa Cagayan de Oro City.
Dahil dito, bibigyan anya nila ng prayoridad ang mga local media na makapasok sa venue samantalang maglalaan sila ng media center para sa national media kung saan nila mapapanood ang debate.
Maliban kay Santiago, sigurado na ang pagdalo ng iba pang kandidato sa pagka-pangulo na sina Senador Grace Poe, Vice President Jejomar Binay, Secretary Mar Roxas at Mayor Rudy Duterte.
By Avee Devierte | Cely Bueno (Patrol 19) | Len Aguirre | Ratsada Balita