Pinayuhan ni Senador Koko Pimentel si Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson na mag-leave sa puwesto at lumayo muna sa usapin ng pederalismo hangga’t hindi niya ito napag-aaralang mabuti.
Ito ay matapos na ikadismaya ni Pimentel ang kotrobersiyal na ‘ipederalismo’ dance video ni Uson kasama ang blogger na si Drew Olivar.
Ayon kay Pimentel, nagkamali siya sa pag-aakalang makakatulong si Uson sa pamahalaan para ipaliwanag sa publiko ang pederalismo.
Aniya, hindi niya lubos akalain na bababuyin ni Uson ang kawsa ng pederalismo.
Pahayag ni Senator Koko Pimentel kaugnay sa video ni PCO Asec. Mocha Uson kasama ang isang kaibigan na kumakanta at sumasayaw re: federalism | via @blcb pic.twitter.com/HFhWH6URv5
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) August 5, 2018
Una nang inulan ng batikos ang kumalat na video ng good news game show ni Uson kung saan mapapanood ang pagsayaw ni Olivar habang kinakanta ng opisyal ang double meaning ng lyrics tungkol sa pederalismo.
Ilang naging reaksyon ng mga senador
Nais pagpapaliwanagin ni Senate Committee on Constitutional Amendment Chairman Kiko Pangilinan si Presidential Communications Secretary Martin Andanar kaugnay ng kontrobersyal na video ni Assistant Secretary Mocha Uson hinggil sa federalismo.
Ayon kay Pangilinan, hindi public service ang ginawa ni Uson kundi pambabastos sa isinusulong ng pamahalaan na panukalang federal constitution na bunga ng masusing pag-aaral ng consultative committee na pinamumunuan ni dating Chief Justice Reynato Puno.
Aniya dapat ipaliwanag ni Andanar kung bakit pinayagan ng kanyang tanggapan ang ginawang pambababoy at kalaswaan ng kanyang tauhan gamit pa ang pondo, oras at kagamitan ng gobyerno.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto the third na bagama’t posibleng joke lamang ang ginawa nila Uson, hindi pa rin aniya uubra ang isang theatrical technique parsa ipaliwanag ang isang seryosong usapin tulad ng federalismo.
(Ulat ni Cely Bueno)