Dapat nang paspasan ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsusuri at pagsusumite ng listahan ng mga dapat makatanggap ng fuel subsidy.
Ito ang panawagan ni Senator Grace Poe sa harap ng bantang transport strike ng mga Public Utility Vehicle drivers at operators sa oras na hindi maaksyunan ng pamahalaan ang problema sa walang prenong oil price hike.
Ayon kay Poe, Chairman ng Committee on Public Services, ang mabagal na pagtugon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang nagtutulak sa transportation sector para maglunsad ng transport strike.
Batay sa pinaka-huling datos, aabot na sa 250,000 operators at drivers na ang nakatanggap ng subsidiya mula sa kabuuang 264,000 na target beneficiaries.
Samantala, wala pang naisusumite ang DILG na listahan ng mga beripikadong tricycle drivers at operators. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)