Si Sen. Ralph Recto ang may pinakamalaking nagastos nuong 2019.
Ito’y batay sa datos ng Commission on Audit (COA) kung saan lumabas na mahigit P113.4 million ng nagastos ni Recto sa nasabing taon.
Sinundan ito ni Sen. Migz Zubiri na gumastos ng mahigit P110.6 million.
Pangatlo si Sen. Grace Poe na mayroong 107 point 1 million pesos, pang-apat si Sen. Manny Pacquiao na mayroong P106.9 million at pang lima ang nakakulong na si Sen. Leila De Lima na gumastos ng P106.4 million pesos.
Pinakamatipid naman si Sen. Christopher ‘Bong’ Go na gumastos lamang ng P33.7 million habang sinundan ito ni Sen. Francis Tolentino, Sen. Pia Cayetano at Sen. Imee Marcos.
Matatandaan kasi na nahalal lang sina Sen. Go, Tolentino, Cayetano at Marcos noong may 2019 midterm elections at nagsimulang manungkulan noong Hunyo 30 2019.
Nagpaliwanag naman si Senate President Pro- Tempore Ralph Recto matapos itong maging top spender batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Commission on Audit.
Ayon kay Recto, malaki ang nagastos nila noong 2019 dahil nagbigay sila ng donasyon sa mga lalawigan na hinagupit ng bagyo.
Maging sa 2020 ay malaki din anya nagastos ng kanyang tanggapan sa mooe dahil sa ipinamigay na tulong sa mga biktima ng pagputok ng Taal Volcano, paghagupit sa Luzon ng tatlong malalakas na bagyo.
Ayon kay Recto, na clear ng senado at naayon sa patakaran ng coa ang kanilang naging gastusin.
Samantala, kumporme naman si Senate President Vicente Sotto III sa pag-publish sa naging gastusin ng mga senador noong 2019.
Mabuti anya na makita ng publiko saan at paano ginastos ng mga senador ang pera ng bayan. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)