Kinuwestyon ng mga senador sa pangunguna ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard ‘Dick’ Gordon si San Juan RTC Judge Jovencio Gascon kung bakit hindi pa sinisira ang mahigit 800 kilo ng shabu na nasabat sa naturang lungsod noon pang Disyembre.
Ayon kay Gordon, sa ilalim ng batas ay dapat sirain ang mga nasasabat na droga sa loob ng 24 oras o ibigay sa kustodiya ng National Bureau of Investigation o NBI.
“The law does not allow the court play here. It shall, within 24 hours, conduct ocular inspection. Is there anything that SOJ (Secretary of Justice) should do? If I were the SOJ, I would put this judge under investigation.” Ani Gordon
Lumilitaw din sa imbestigasyon na 500 kilograms pa lamang ng nabanggit na droga ang isinailalim sa ocular inspection habang ang 300 kilograms ay nananatili sa NBI.
Nagtataka ang mga senador kung bakit kailangang paghiwalayin ang mga nasabat na droga sa halip na ilipat sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
“500 so nasaan yung 300 plus kilograms? Bakit tingi-tingi ang turn over hindi ba dapat ang disposition lahat PDEA?, that’s clear in the law.” Pahayag ni Lacson.
Ayon sa PDEA, hindi nila puwedeng wasakin ang shabu nang hindi pa naiinspeksyon ng korte.
—-