Nilinaw ni Senador Panfilo Lacson na hindi niya ipinanawagan ang pag-atras sa May 9 elections ng kanyang kapwa presidential candidate na si Vice President Leni Robredo.
Hindi pa huli para magpakita ng respeto ang mga kandidato sa election process at higit sa lahat paggalang sa mga botante.
Ito, ayon kay Lacson, ang kanyang panawagan at hindi kabilang sa nanawagang umurong si Robredo sa presidential race.
Mahusay anyang ipakita ang respeto sa mga botante kung bibigyan sila ng maraming pagpipiliang kandidato.
Inihayag naman ni vice presidential candidate at Senate President Tito Sotto III na sila ni Lacson ay lumagda sa isang joint statement kasama ang ibang kandidato upang itaguyod at isulong ang soberanya ng mga botante.
Nakiisa anya sila ni Lacson upang labanan ang anumang pagtatangka na pabagsakin o pahinain ang kagustuhan ng mga botante sa pamamagitan ng paglimita sa maaaring pagpilian pero hindi sila kaisa sa pananaw at panawagang umatras si Robredo. — ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)