Nagkasagutan at nagkainitan sina Senators Raffy Tulfo at Cynthia Villar sa deliberasyon ng panukalang budget ng Department of Agriculture para sa susunod na taon.
Ito’y makaraang mapag-usapan ang ginagawa ng mga private developer na pag-convert sa mga sakahan bilang residential at commercial areas.
Tinanong ni Tulfo si Villar bilang sponsor ng DA budget kung ano ang plano ng ahensya ngayong lumiliit na ang mga lupang sakahan dahil binibili ng malalaking developer at ginagawang subdivision.
Iginiit ni Villar na sa capital towns at mga lungsod lang daw sila bumibili, dahil doon bibili ng bahay ang mga tao para madali nilang maibenta.
Sagot ni Tulfo, nanggaling siya sa lalawigan ng Isabela at mayroon siyang pruweba na kino-convert ang farm lands bilang subdivision at nangyayari umano ito sa maraming lugar.
Gayunman, iginiit ni Villar na dapat unawain ni Tulfo ang agrikultura bilang negosyo rin dahil binibili ng developer ang lupa sa mataas na halaga. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)