Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad para sa kauna-unahang Bar Examinations na idaraos sa labas ng Metro Manila mula Pebrero a-4 hanggang a-6.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief P/BGen. Roderick Alba, nasa 200 tauhan ang kanilang ipakakalat sa 3 unibersidad sa lalawigan ng Cebu na siyang lugar kung saan idaraos ang naturang pagsusulit.
Isasagawa ang Bar Exams para sa taong ito sa University of Cebu sa Banilad, University of San Carlos – Main campus at University of San Jose – Recoletos sa Basak Pardo.
Kasunod niyan, paki-usap ng PNP sa pamilya ng mga kukuha ng Bar Exam na huwag nang magsagawa ng send off ceremonies upang maiwasan ang overcrowding sa labas ng mga unibersidad.
Paalala ng PNP, nananatili ang banta ng COVID-19 kaya’t mas mainam muna sa ngayon na mahigpit na sundin ang minimum health protocols upang maiwasan ang hawaan gayundin ang pagkalat ng virus. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)