Kasama na sa maaaring mabakunahan kontra COVID-19 ang mga matatandang alkalde.
Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kasabay ng pagsisimula sa pagbabakuna sa mga senior citizen.
Ayon kay DILG Officer-In-Charge Bernardo Florece, pumayag na si Vaccine Czar Carlito Galvez na mag-simultaneous sa pagbabakuna at kasama na rito ang senior citizen.
Kaya naman aniya kung senior citizen na ang isang Mayor ay pwede na siyang mabakunahan kontra COVID-19.
Dagdag pa nito, maituturing din na vulnerable ang mga mayor dahil exposed ang mga ito sa virus dahil sa kanilang trabaho.
Magugunitang pinagpaliwanag ng DILG ang ilang Mayor na nauna nang nagpaturok ng bakuna kahit hindi sila health workers na siyang una sa listahan ng priority group.