Kinikilala ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay ang mga senior citizen bilang mga produktibong miyembro ng lipunan.
Ito ang dahilan anila kaya’t isinulong nilang mabigyan ng trabaho ang may 100 senior citizen na nasa edad 60 hanggang 70 bilang mga airport ushers.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nais nilang bigyan ng pagkakataon ang mga nakatatanda na magamit pa ang kanilang lakas; magkaroon ng pagkakataon na makahalubilo pa sa isang working environment at magkaroon ng sariling pera sa pamamagitan ng ibibigay sa kanilang sweldo.
Sa ilalim ng programa, tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon sa loob ng 15 araw ang trabaho ng mga senior citizen sa paliparan kung saan sila ang aatasan na asistihan ang mga pasahero sa upuan ng mga ito o di kaya ay ituro ang mga opisinang kailangang puntahan.
Ang bawat senior citizen ay tatanggap ng P537.00 na sahod kada araw.
Bago nito, tinatamasa na ng mga senior citizen ng lungsod ang libreng buwanang maintenance na gamot, pensyon, birthday cash gift at iba pa.