Posible nang maramdaman sa ikatlong quarter ng taon ang serbisyo ng ikatlong telco o telecommunication player na Mislatel sa bansa.
Ayon kay Eliseo Rio Jr, acting secretary ng DICT o Department of Information and Communications Technology makakukuha na ang Mislatel ng unang bugso ng kanilang subscribers sa third quarter ng taon na manggagaling sa Metro Manila.
Kailangan pa rin anya kasing maglaan ng panahon ang Mislatel para sa pagbuo ng mga kakailanganing mga imprastraktura para masimulan ang kanilang operasyon.
“Wala pa silang infrastructure, it takes time to roll out, para bang may permit na silang gumawa ng bahay pero it takes time for that house to be constructed. So realistically, well siguro mga 10 months to 1 year ang pag roll out ng isang telco at kailangan nilang gumawa ng mga towers, kailangan nilang mag roll out ng mga kable, so mga ganyan. Pero ito na ang umpisa, ibig sabihin.”
Gayunman, binabantayan din anya nila ang pagpapaganda rin ng serbisyo ng dalawa pang telco player sa bansa na Globe at Smart.
“Nakikita natin ngayon, yung Globe and Smart ay nagpapaganda narin ng serbisyo nila kasi hindi sila pwedeng hindi magpaganda ng serbisyo nila kasi pag-iiwanan sila ng 3rd telco. So ngayon pa lang, yung kanilang budget for infrastructure ay talagang pinaka malaki sa kanilang 20 years of existence.”
(From Balita Na, Serbisyo Pa interview)