Wala pa ring pagbabago sa bulok na serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), isang taon simula nang nagpatupad ito ng dagdag pasahe.
Ayon sa ilang commuter, nanatili pa ring mahina ang aircon sa loob ng tren at madalas pa ring nararanasan ang aberya sa biyahe nito.
Sinabi naman ng grupong BAYAN, tanging sakit sa bulsa lamang ang naranasan ng mga mananakay ng MRT at LRT ngunit hindi ang ginhawang ipinangako noon ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Matatandaang nagtaas ng P1 sa kada kilometrong layo ang pasahe sa LRT 1,2 at MRT 3 noong Enero 2015.
Defense
Dumipensa naman ang pamunuan ng LRT at MRT 3 kaugnay sa umano’y hindi nararamdaman na pagbuti ng serbisyo nito sa kabila ng ipinatupad na fare hike noong 2015.
Ayon kay MRT General Manager Ramon Buenafe, mas marami nang mga escalator at elevator ang gumagana na ngayon sa mga istasyon ng tren.
Bukod dito ay nagawa nang 13 ang average na tumatakbong tren mula sa dating 10 lamang.
Sinabi naman ni LRT Authority Spokesman Atty. Hernando Cabrera na hindi naman agad agad na maramdaman ang pagbuti ng serbisyo sa mga tren.
Tinatayang P1.1 billion pesos ang kikitain ng MRT sa fare hike habang P942 million naman sa LRT.
By Rianne Briones