Naniniwala ang pinatalsik na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na sila ang nagwagi laban sa quo warranto petition laban sa kanya.
Sa talumpati ni Sereno sa labas ng Korte Suprema matapos pagbotohan ang quo warranto, sinabi nito na dapat walo lamang sa mga mahistrado ang bumoto sa quo warranto case dahil ang anim dito ay dapat na nag-inhibit sa petisyon.
Nangangahulugan din aniya na ang pag-pabor sa kanya ng anim na mahistrado na manatili sa pwesto, ay nangangahulugan na tama ang kanyang paninindigan.
Pinasalamatan naman ng pinatalsik na Punong Mahistrado ang kanyang mga tagasuporta na nakasama niya mula pa noong umpisa.
Tiniyak ni Sereno na hindi pa tapos ang kanyang laban at nagsisimula pa lamang ito.
Habang tumitindig tayo sa matuwid, hindi tayo kailanman magiging talunan. Ang araw na ito ay hindi katapusan, kundi simula lamang. Sa araw na ito, lipunin natin ang ating tapang at iparinig ang ating nagkakaisang tinig. Hindi na tayo maaring manatiling tahimik dahil ang nanahimik ay katumbas ng pagiging kasabwat sa kanilang pang-aabuso. Isantabi muna natin ang ating pagkakaiba dahil may mas malaki at malakas na kalabang kailangan nating lahat harapin. Pahayag ni Sereno