Dumalo si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa isang forum sa University of the Philippines-Diliman kaugnay sa paggunit sa anibersaryo ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Sereno, nalulungkot siya sa mga narinig niyang istorya mula sa mga nakaranas ng batas militar.
Bukod kay Sereno, dumalo rin ang ilang mambabatas, mga katutubo at militanteng grupo kung saan ay nanawagan sila na bawiin na ni Pangulong Duterte ang idineklarang martial law sa Mindanao.
Ayon naman kay Abdul Hamidullah, sultan ng Marawi, kaya namang masolusyunan ang krisis sa Marawi kahit walang batas militar. Dagdag pa ni Hamidullah, hindi rin sila sang-ayon na magtayo ng kampo ng militar sa Marawi.
Panawagan din ng sultan, tulungan ng gobyerno ang mga Maranao para ayusin ang mga nasirang mosque at huwag na sanang igiit ang separation of church and state.
Unang idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao noong Mayo 23, 2017 at pinalawig ito hanggang sa katapusan ng 2018 matapos pagtibayin ng Kongreso.