Isa hanggang dalawang session days lamang ang kailangan para maikyat na sa Senado ang impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Congressman Reynaldo Umali, Chairman ng House Committee on Justice, nagkakaisa ang ‘super majority’ na i-impeach si Sereno.
Hawak na aniya ng rules committee na pinamumunuan ni Deputy Speaker Rodolfo Fariñas ang articles of impeachment na pinagbotohan nila sa Committee on Justice.
Sinabi ni Umali na agad pagbobotohan sa plenaryo ang articles of impeachment sa sandaling maikalendaryo ito ng rules committee at mabigyan ng kopya ang lahat ng miyembro ng Kongreso.
Sa Mayo 15 nakatakdang magbalik sesyon ang Kongreso.
Matatandaan na sinabihan ng Pangulong Rodrigo Duterte si House Speaker Pantaleon Alvarez na bilisan ang pag-akyat sa Senado ng impeachment case ni Sereno.
—-