Itinanggi ni Atty. Larry Gadon na nagsinungaling siya sa House Committee on Justice nang ilatag niya ang kanyang mga akusasyon labay kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na sinampahan niya ng impeachment.
Ayon kay Gadon, hindi magsisinungaling ang mga dokumento na hawak na ngayon ng komite.
Una rito, nagbanta ang House Committee on Justice na kasuhan ng perjury si Gadon matapos itanggi ni Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo de Castro na nagbigay siya ng impormasyon kay Manila Times reporter Jomar Canlas hinggil sa temporary restraining order na di umano’y pineke ni Sereno at ginamit naman ni Gadon na ebidensya sa impeachment.
“Ang statement ni Justice De Castro ganito, pinapabulaanan niya na meron siyang dokumento o impormasyong ibinibigay kay Jomar, yun lang ang pinapabulaanan niya, hindi niya pinapabulaanan na merong dokumentong nag-eexist, the copy is already with the House of Representtaives, nasa Justice Committee na dahil previously nai-release na yan.” Ani Gadon
Sa kabila ng pagtanggi ni De Castro, kumbinsido naman si Congressman Rey Umali, Chairman ng House Committee on Justice na mayroong basehan ang impeachment case na inihain ni Gadon.
Gayunman, aminado si Umali na bahagyang lumabo ang basehang ito at kailangang busisiin matapos ang pagtanggi ni De Castro.
“Bago siya humarap ay dapat handa na siya, dapat may mga affidavits na ito na dala-dala siya para panindigan at bigyang sustansya ang kanyang mga alegasyon, eh parang walang ganun, sa akin po bilang Chairman ng Committee on Justice and having that constitutional mandate na may sole power kami to initiate impeachment proceeding ay dapat gawin natin ito at meron naman baasehan kaya lang hindi pa malinaw.” Pahayag ni Umali
(Karambola / Ratsada Balita Interviews)