Nanawagan ang pamunuan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa pamahalaan na babaan ang ‘service charge’ na ipapataw sa mga uutanging pondo para makapagbigay ng 13th month pay ang mga maliliit na negosyo sa kani-kanilang mga manggagawa.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, aabot sa 5% hanggang 6% ang patong na service charge sa pautang sa mga maliliit na negosyo.
Kung kaya’t, ani Ortiz-Luis, kung pupwede ay gawing 1% o 2% lang ang ipataw na service charge.
Magugunitang pinalutang ng Labor Department ang pagde-defer o pagpapaliban sa pagbibigay ng 13th month pay ng mga kumpanya sa kanilang mga manggagawa dahil sa anila’y naging masamang epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pero agad itong kinontra ng iba’t-ibang labor sector, mga mambabatas, maging ng Palasyo.