Ikina-alarma na ng ilang mambabatas at human rights group ang serye ng high-profile killing sa nakalipas na ilang buwan.
Ayon kay Senador JV Ejercito, dapat ng paigtingin ng Philippine National Police ang pagbibigay seguridad sa mga mamamayan lalo’t maaaring mangamba ang publiko para sa kanilang kaligtasan.
Iniugnay naman nina Senators Antonio Trillanes at Risa Hontiveros ang serye ng mga pagpatay sa kultura ng karahasan na sinimulan umano ng Administrasyong Duterte.
Dapat anilang tiyakin ng Local Government Units ang kaligtasan ng publiko dahil tila wala ng pinipili ang mga kriminal.
Naniniwala naman si Carlos Conde ng Human Rights watch na ang umiiral na kultura ng karahasan ay marahil dala ng kahinaan ng law enforcement sa bansa.