Labis na ikinaaalarma ng Government Peace Panel at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang serye ng pag-atake at pang-haharass ng New People’s Army (NPA) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, posibleng binalewala na ng komunistang grupo ang idineklarang unilateral ceasefire.
Gayunman, ipinunto ni Dureza na hindi nais ng gobyerno na maglaho ang mga nasimulang hakbang sa usapang pang-kapayapaan na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsulong.
Nagpapatuloy ang negosasyon ng Government Peace Panel at National Democratic Front sa nakalipas na anim na buwan upang matuldukan na ang halos limang dekadang pag-aaklas ng mga komunista sa bansa.
AFP
Mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sinasabing planado at koordinadong pag-atake ng NPA o New People’s Army laban sa militar sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, lubhang nakapagaalala ang sunod-sunod na pag-atake kaya ipinaabot na nila ito sa Office of the Presidential Assistant on the Peace Process.
Malinaw aniyang na hindi seryoso ang mga rebelde sa usaping pangkapayapaan sa gobyerno dahil sa ginagawa nitong paglabag sa idineklarang unilateral ceasefire.
Bukod sa kaliwa’t kanang pag-atake, hiningi ng AFP na palayain ang isang sundalo ang sinasabing dinukot ng mga rebelde habang ito ay nasa isang civic action activity sa Alegria, Surigao del Norte noong January 29.
By Drew Nacino | Rianne Briones
Photo Credit: OPAPP