Nakararanas na ng “severe” COVID-19 outbreak ang mga lungsod ng Baguio at Iloilo habang ibinaba na sa “very high risk” classification ang Metro Manila, batay sa datos ng DOH hanggang nitong Sabado.
Ayon kay OCTA research fellow, Dr. Guido David, pumalo sa “new highs” ang COVID-19 cases sa lungsod ng Iloilo maging sa Cebu at Lapu-Lapu cities na kapwa rin nasa “very high risk classification”.
Mula January 16 hanggang 22, aabot sa 152.39 ang average daily attack rate o ADAR sa Baguio habang 82.38 sa Iloilo.
Mayroon namang 102% na one-week growth rate ang Baguio habang 190% sa Iloilo habang pumalo sa 2.81% ang reproduction rate sa City of Pines at 3.51% sa Iloilo noong January 19.
Aabot na sa 435 ang bagong COVID-19 cases sa summer capital habang 577 sa Iloilo City.
Samantala, nasa 6,646 ang mga COVID-19 case sa NCR noong Sabado habang sumadsad sa -42% ang one-week growth rate, 72.05 ang ADAR at 1.20 ang reproduction rate sa Metro Manila.