Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing handler ng isang major sex trafficking syndicate na ginagamit umano ang mga model na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakuha din ng mga otoridad mula sa suspek na kinilalang si Christopher Torres ang nasa P75,000 na cash na syang ibinayad umano nito sa dalawang nasagip na modelo na kanyang kinuha.
Nabisto umano ng nbi ang sex trafficking syndicate operations sa tip ng isang concerned citizen.
Ayon kay NBI AHTRAD Chief Atty. Janet Francisco, napilitang pasukin ng mga modelo ang trabahong ito dahil sa kawalan ng mapagkakakitaan dulot ng pandemya.
Pero iginiit ni Francisco, na ang pagpasok sa ganitong uri ng trabaho, bukod sa iligal, ay posibleng maging dahilan pa upang mahawaan sila, hindi lamang ng aids o sexually transmitted diseases kundi maging ng mapanganib na COVID-19.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa anti-human trafficking law na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.