Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagbabalik ng mga kubol ng high profile inmate sa Building 14 ng NBP o New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ito’y makaraang pangunahan ng kalihim ang oplan galugad kasama ang pamunuan at mga tauhan ng PNP – SAF o Philippine Nationa Police – Special Action Force sa pambansang piitan.
Subalit hindi tulad ng dati, tila lalo pang gumanda ang mga kubol dahil sa naka-tiles na ang sahig, may aircon at hitsurang paupahang apartment ang mga kubol na itinayo doon.
Nahakot ng mga SAF troopers ang mahigit dalawandaang cellphone, mahigit tatlong daang patalim, mahigit animnapu’t walong libong pisong (P68,000.00) salapi, tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, halos walongdaang (800) pakete ng sigarilyo, iba’t ibang mga appliances at gadgets.
Ayon kay Police C/Insp. Jonalyn Manlat, tagapagsalita ng PNP – SAF, maliban sa Maximum Security Compound, sinuyod din nila ang medium security compound ng NBP kung saan nanatili ang ilang high profile inmate.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Police C/Insp. Jonalyn Manlat
9 na High Profile Inmate balik Maximum na mula Medium Security Compound ng NBP
Balik na sa Building 14 ng Maximum Security Compound ng NBP o New Bilibid Prison ang siyam na high profile inmate nito.
Ito’y makaraang ipag-utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagbabalik ng mga naturang inmate makaraang mabatid na inilipat ang mga ito sa Medium Security Compound noong Marso.
Kabilang sa mga ibinalik sa Building 14 sakay ng isang coaster sina Vicente Sy, Samli Chua, Peter Co, Hans Anton Tan, Jojo Baligad, Joel Capones, Rico Caja, Benjamin Marcelo at Jose Chua.
Kumpiyansa naman si Aguirre na hindi babaligtad ang siyam na high profile inmate sa mga nauna nilang testimoniya na nagdiriin kay Senadora Leila De Lima sa pamamayagpag ng iligal na droga sa loob ng pambansang piitan.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre
- Jaymark Dagala