Aabot sa mahigit P10-M halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG).
Ito’y matapos salakayin ng mga ito ang isang makeshift na shabu laboratory sa bahagi ng Floodway, Brgy. San Andres, Cainta sa Rizal kamakalawa.
Ayon kay PNP Drug Enforcement Group Director P/Bgen. Ronald Lee, isinagawa ang operasyon sa bahay ng isang Krystyn Almario Pimentel, isang curriculum developer na nadakip sa operasyon.
Nakuha sa bahay ni Pimentel ang nasa P6.8 milyong halaga ng shabu, 2,000 piraso ng hinihinalang party drugs na ecstacy na may street value P3.4 milyong at kalahating kilo ng kush o high grade marijuana na nakasilid sa sampung maliliit na sachet at nagkakahalaga ng P60,000.
Nabatid na live-in partner ng naarestong si Pimentel ang isang Jose Aguilar alyas “Ish” na ka-anak umano ng dating miyembro ng US army at road rage suspect na si Jason Ivler na pamangkin ng singer-composer na si ka Freddie Aguilar.
Batay sa ulat ng pdeg, ipinadeport sa Pilipinas si alyas Ish mula Amerika dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga at nabatid na ipinagpatuloy nito ang operasyon sa bansa kasama si Pimentel nuong isang taon.
Sa ikinasang follow-up operation, napatay ng mga pulis ang isa pang kasama ni alyas Ish na nakilala lamang sa alyas na kuya matapos maka-engkuwentro ng mga pulis.
Subalit nagawa pa ring makatakas ni alyas ish sakay ng kaniyang SUV sa kasagsagan ng engkuwentro.